Ipagpalagay muna natin na isang kuwarto ang buhay, at sa kuwartong iyon ay naroon ang lahat ng iyong mga pinakamahalagang pangangailangan sa buhay tulad ng pagkain, tubig at pananamit. Sabihin rin nating wala tayong kamuwang-muwang sa kung ano man ang nasa labas ng kuwarto na iyon. Ano sa tingin niyo ang magiging pagtanaw ng kung sino man ang nasa loob ng kuwarto na iyon sa kaniyang buhay?
Marahil ang iisipin ng ibang mga nakakabasa nito ay maghahangad ng kalayaan ang taong iyon o bubuksan ang pinto palabas at tutuklasin ang nasa kabilang dako ng pintuang iyon. Tama sila. Pero sabihin nating tatanggalin ang pinto na iyon at hindi malalaman ng tao sa loob na mayroon pang mundo sa labas ng kwartong ginagalawan niya. Maghahangad pa kaya siya ng kalayaan? Marahil hindi.
Hindi, kasi una, hindi niya nalalaman na mayroon pa palang mundo sa likod ng apat na sulok ng kuwartong kaniyang ginagalawan at wala namang lumalabas na sitwasyon na nangangailangan ng bagay na wala sa loob ng kuwartong iyon. Ikalawa, maski alam niya na may mundo sa labas ng ginagalawan niya, ang paraan para makarating sa mundong iyon ay hindi kaagad magagawa at nangangailangan ng matinding pagsisikap. Ngunit dahil na rin sa hindi niya nakikita bilang isang matinding pangangailangan ang paglabas sa mundong kaniyang ginagalawan, hindi na rin siya magaaksaya ng pagod at panahon para lumabas.
Dahil isa lamang maliit na bahagi ng mas malaking mundo sa labas ang mundong kaniyang ginagalawan, madaling isipin na nakikita ng mga tao sa labas ang apat na sulok ng kaniyang kuwartong walang pinto, ngunit hindi nakikita ng tao sa loob ang mga tao sa labas. Ano kaya kung may kakatok ngayon na tao mula sa labas sa kuwarto ng taong nasa loob? Sasagutin kaya ng tao sa loob ang katok na ito sa pamamagitan ng paglabas? Kung gusto niya, pwede. Pero maaari rin namang hindi niya sagutin at iparamdam sa mga tao sa labas na ang kuwarto sa malaking mundo na iyon ay isa lamang palamuti na wala talagang tao sa loob, at sa kadahilanang hindi sigurado ang mga tao sa pagkakaroon ng tao sa loob ng kuwarto, iiwan na lamang ito ng mga tao at hahayaang manahimik, kung hindi man nila sirain.
Ano ngayon ang saysay ng paglalarawan ng sitwasyong ito sa mga nagaganap sa araw-araw nating buhay? Minsan kasi, kung hindi man madalas, ay nakukuntento na tayo sa kung ano ang mayroon tayo at hindi natin nakikita ang paglabas sa paulit-ulit na daloy ng buhay bilang isang pangangailangan. Wala namang masama rito, at kung tutuusin ay mas mainam pa nga ito upang tayo ay hindi maging masyadong mapaghangad sa mga bagay na pwede namang wala sa atin. Ngunit ang nagiging problema rito ay ang katotohanang hindi lang tayo ang tao sa mundo at kahit hindi tayo magbago ay magbabago ang mga tao at bagay sa paligid natin. Minsan may mga tao o sitwasyon na kakatok sa kuwartong nakasanayan natin na naghahatid ng mga tanong na ang kasagutan ay malabo sa atin sa kadalihanang ang nasabing sitwasyon ay bago sa ating pandinig at malayo sa ating nakasanayan na hindi natin nakitang kailangang pagtuunan ng pansin noong una. Ang nagiging resulta ay pagkalito, pagkalito kung pagbubuksan ba natin ng puso't isipan ang kumakatok na sitwasyon.
Oportunidad ba ito o kapahamakan? Hindi tayo sigurado. Minsan wala na lang tayong ginagawa at nananahimik na lang tayo sa loob ng apat na sulok ng mundong ating nakasanayan, sarado sa mga kumakatok sa buhay natin. Pero dahil kinatok na tayo ng pagkakataong ito, hindi natin matatamasa ang mga bunga ng pagsagot sa katok na ito, mabuti man o hindi. Mananatili tayo sa kadiliman na nag-iisip kung may liwanag ba talaga o kung paano mamuhay sa labas ng nakasanayan. Para bang tayo ay naduduwag harapin ang hamon ng buhay, o 'di naman kaya'y tinatamad lang na magbigay ng hinihinging pagod at panahon para makalabas sa kuwartong walang pintuan.
Siguro mas mainam mamatay ng kuntento at hindi naghahangad. Ngunit baka hindi lang natin napapansin na may nakakalimutan tayong isa pang pangangailangan maliban sa pagkain, inumin at pananamit: pakikipagkapwa at pagmamahal. Dahil hindi tayo nag-iisa sa mundo, at patuloy na nagbabago ang mundo, hindi posible na manatili tayo sa kung ano tayo ngayon habambuhay. Mahirap magbukas ng pinto pero alang-alang sa pangangailang magmahal at mahalin. Sa totoo lang, kaunting lakas lang naman ang kailangan: ang lakas para makita ang kagandahan sa sarili natin, at maipamahagi sa mundo ang kagandahang ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
About Me
- eowpo
- Olongapo City, Philippines
- Considers himself a free thinker, though limits himself to the values society dictates. Manages to get an argument going by giving his damn on things.
3 comments:
Tama ka. madaming taong tamad lang kumilos kahit na alam nila na may mundo pa bukod sa 'kwartong' ginagalawan nila. ngunit napa-isip ako. malay mo, ang mundong nasa labas ng kwarto mo ay isang mundong puno rin ng iba't ibang kwarto ng iba't ibang tao na may iisang kaisipan. lalabas ka pa kaya? salamat. sana sagutin mo to.
Kung ang lahat ng tao ay iisa ang pag-iisip at lahat ay nasa kani-kaniyang sariling kwarto, walang kakatok. Kung walang kakatok, walang paraan para malaman na mayroon pang bagay sa kabila ng mga pader. At dahil walang paraan para malaman maliban sa gibain ang pader, malamang hindi na rin ako lalabas dahil hindi ko alam na pwede palang lumabas. Naniniwala akong hindi ka mapapagod sa iisang uri ng buhay kung hindi mo alam na may iba pang uri ng buhay maliban sa buhay na nakasanayan mo. At dahil nga wala kang makikitang paraan para maresolbahan ito, hindi rin mali ang pagiging ignorante ko.
Salamat. naliwanagan ako sa mga sinabi mo. I look forward to reading more blogs from you.
Post a Comment
Post a Comment